Magsayo Nagsalita Na Sa Pagkatalo Kay Andres Cortes: "Dalawa Kalaban Ko Sa Ring, Pati Referee!"
Mark Magsayo, nagsalita na sa masakit na pagkatalo kay Andres Cortes noong Setyembre 13, 2026 sa Ziffa Boxing.
Sa live interview sa YouTube Channel ni Coach Franco Rulloda kasama si JC Reyes, inilahad ni Magsayo ang tunay na nangyari sa loob ng ring — hindi lang si Cortes ang kalaban niya.
"Okay naman preparation namin, ready ako sa laban," panimula ni Magsayo.
Pero bago pa man magsimula ang bakbakan, binalaan na umano nila ang referee na madumi maglaro si Cortes.
"Bago mag-umpisa ang laban sinabihan na namin referee na madumi maglaro si Cortes, sumusuntok sa likod. Inunahan na namin ang referee, pero tumatawa lang yung referee, hindi seryoso. Nakuhanan pa nga namin ng camera. Kaya pagdating sa laban ganon ang nangyari. Parang nakapusta yata tong referee to," sabi ni Magsayo sabay tawa, na ikinatawa rin nina Coach Franco at JC Reyes.
Dagdag pa ni Magsayo: "Dalawa kalaban ko sa ring e. Kung hindi lang ako na-injury baka nag-iba pa takbo ng laro."
Halatang may bias umano ang referee
Ayon kay Magsayo, kitang-kita ang pagiging bias ng referee sa laban.
"Halata rin sa referee na may bias kunti, sinusuntok na ako dito sa likod (ulo) walang warning kay Cortes, pag ako ang sumuntok may warning kaagad. Sabi ko grabe yung ganito," reklamo ni Magsayo.
Round 2 pa lang, bumigay na ang tuhod
Nang tanungin ni Coach Franco kung anong round niya naramdaman ang injury, diretsong sinagot ni Magsayo.
"Round 2 talaga nagsimula yung tuhod ko. Makikita mo sa round 2 na hinila ako pababa pagkatapos tinulak ako," kwento niya habang pinapakita ang namamaga pa niyang tuhod matapos operahan.
"Sabi ng doktor tinabasan nya yung cartilage ko tapos yung mga nadurog sa loob, nilinis nya. Buti pinakamadali yung nangyari hindi na kailangan buksan lahat, nagpasok lang sila ng camera tapos inoperahan yung isang butas. Sabi nga ng doktor sakin noong binasa ang MRI, di ko alam kung bakit nakatapos ka pa ng 10 rounds, alam ko adrenaline nagdala sayo," pahayag ni Magsayo.
Ipinaliwanag pa ng doktor na nag-punch umano ang buto ng tuhod niya sa cartilage kaya nabutas ito.
Dahil dito, hindi na niya nasunod ang gameplan.
"Di ko sinabi sa coaches ko sumasakit tuhod ko kasi importanteng laban yon, pag nanalo ako championship na yung sunod. Pero makikita nyo iba ang laro ko, yung balance ko nasa harap, laging naiiwan yung legs ko. Ibang iba laro ko kahit ako nahihiya ako sa galaw ko, pero wala ako magawa kasi nangyari e," ani Magsayo.
"Hindi ko na naririnig instruction ng coach ko, hindi na nagawa yung gameplan dahil yung tuhod ko ayaw na mag-follow up. Pero ayaw ko sumuko talaga hanggat nakakakita ako lalaban. Ayaw ko ipahiya yung buong Pilipino," dagdag niya.
Pababa nang pababa ang short, naging meme pa
Natawa sina Coach Franco at JC Reyes nang ikwento ni Magsayo na umaangat ang short niya kaya panay baba niya, na ginawa pang meme ng mga bashers at binilang pa kung ilang beses niya hinila.
Paliwanag ni Magsayo, hindi siya makahinga kaya niya ibinababa, bukod pa sa nanginginig na tuhod niya.
Nakapag-adjust naman daw siya sa late rounds - hindi na siya yumuyuko kasi tutumba siya agad.
Mensaheng sa mga sugarol na bumash sa kanya
Matapos ang laban, binash si Magsayo at sinabihang binayaran umano siya dahil natalo ang mga pumusta.
Dito na naglabas ng saloobin ang dating world champion.
"Kaya sa susunod guys, yung mga sugarol dyan wag kayong pumusta sakin. Para pag natalo ako walang sisihan, hindi ko naman ginusto matalo. Hindi ko ginusto magkaroon ng ganito," sabay pakita ng operadong tuhod.
"Yung mga tao kasi porket tahimik lang tayo lalo tayong gaganunin e," sabay senyas ng kamay na pababa.
Sa huli, nagpasalamat pa rin si Magsayo sa mga tunay na sumuporta.
"Salamat pa rin ako sa mga totoong taong sumuporta sakin, yung mga legit na Pilipino talaga, hindi yung mga tolongges."
Pahayag ito ni Mark Magsayo sa panayam sa Coach Franco Rulloda YouTube Channel. Ang Jawe Boxing World ay naglalayong ihatid ang buong panig ng kwento.
This embedded post is from Coach Franco Rulloda - Youtube Channel