Jayson Casimero: Walang Laban si Carl Jammes Martin kay David Picasso, Puro Fiesta-Fiesta Lang Kalaban Nito
12 days na lang laban na nina Carl Jammes Martin at David Picasso sa Riyadh - pero para kay Coach Jayson Casimero, walang pag-asa si Martin. Aniya, pinapakain lang si Martin kay Picasso at wala pa itong tahid para sa ganitong level.
Labing-dalawang araw na lang at maglalaban na ang Filipino top contender na si Carl Jammes Martin kontra Mexican na si David Picasso sa Riyadh, Saudi Arabia. Nakataya sa laban ang WBO at WBC title sa featherweight at undercard sila ng bakbakang Canelo Alvarez vs Christian Mbilli.
Matatandaang nagbigay na ng opinyon ang Casimero brothers sa laban ni Martin at sinabi nilang walang pag-asang manalo si Martin kay Picasso.
Kahapon lang, muling inulit ni Coach Jayson Casimero ang kanyang saloobin sa live niya.
Ayon kay Jayson, hindi siya against kay Martin kahit marami ang nagsasabi na opportunity na ito para sa Pinoy na mapalaban kay Picasso. Para sa kanya, hindi ito opportunity kundi pinapakain lang si Martin kay Picasso.
Ang tunay na opportunity raw para kay Martin ay ang mapalaban sa WBO super bantamweight world title dahil aakyat na si Naoya Inoue sa featherweight. Kaya aniya ay nanghihinayang siya kay Martin.
Para kay Jayson, wala itong laban kay Picasso.
Tila may pahabol pa si Jayson sa mga nagsasabing kaya i-knockout ni Martin si Picasso.
Banat ni Jayson, “Sa tingin nyo ba malakas si Martin kay Naoya Inoue? Realtalk lang tayo," Kung baga parang sinasabi ni Jayson na si Inoue na malakas e hindi napabagsak si Picasso, si Martin pa kaya.
Dagdag pa niya, kung baga sa manok ay wala pa umanong tahid si Martin.
“Hirap nga pabagsakin ni Martin yung mga pinapakain sa kanyang kalaban, tapos sasabihin nyo kaya niyang i-knockout si Picasso,” sabi ni Jayson.
Sinagot din ni Jayson ang komento ng isang fan na baka masilat ni Martin si Picasso.
“Makakasilat yan pag may power! Eh kita naman natin wala naman! Marami lang knockout yan kasi diba alam naman natin na mga fiesta-fiesta lang,” banat ni Jayson Casimero.
Ano sa tingin nyo mga maka- Jawe, may punto ba si Coach Jayson Casimero kay Carl Jammes Martin, o may tsansang masilat ni Martin si Picasso sa Riyadh?
