Carlo Paalam Dismayado sa Talo: "Dalawa Kalaban Ko sa Ring, Parang Na Set-up Ako"
Dismayado si Carlo Paalam matapos ang kontrobersyal na pagkatalo via split decision kontra kay Rui Yamaguchi ng Japan sa finals ng men's 55kg boxing sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Sa panayam ni Nic Earnshaw/Cignal matapos ang laban, hindi naitago ni Paalam ang pagkadismaya sa naging takbo ng laban.
"Sobrang hirap po kasi di ko hawak po yung desisyon talaga e. Dalawa kalaban ko sa itaas ng ring, kasi kita naman sa referee from the start palang. Yung momentum ko na laro ini-stop nya palagi, sobrang hirap talaga po, kasi ako lang palagi nakikita nya. So parang home court advantage sakanya po talaga. Parang na set-up na ako sa laban," ani Paalam.
Ayon kay Paalam, tila nawawala ang kanyang momentum dahil sa madalas na paghinto ng referee sa kanyang atake, habang tila hindi naman napapansin ang ginagawa ng kalaban. Dahil dito, naramdaman niyang tila may home court advantage para sa Japanese boxer na lumaban sa harap ng sariling crowd sa Nishio Gymnasium.
Sa kabila ng pagkatalo, nag-uwi pa rin si Paalam ng silver medal para sa Pilipinas, na siyang kauna-unahang medalya ng bansa na mas mataas sa bronze mula sa kanyang sariling bronze noong 2018 Asian Games. Siya rin ang huling natirang boksingero ng Team Philippines sa naturang edisyon ng Asian Games.
Bago umabot sa finals, tinalo ni Paalam ang reigning world champion na si Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan via split decision 3-2 sa semifinals, isang tagumpay na nagpakita ng kanyang lakas at karanasan bilang Olympic silver medalist.
Dahil sa pagkatalo ni Paalam, nanatili ang 16-taong gold drought ng Pilipinas sa Asian Games boxing mula noong huling magkampeon si Rey Saludar noong 2010 sa Guangzhou.
Gayunpaman, nanatiling proud ang mga Pilipino sa ipinakita ni Paalam na puso at determinasyon sa buong torneo.
Source: Nic Earnshaw/Cignal
