ABAP President Marcus Manalo, May Paliwanag Bakit Hindi Agresibo si Carlo Paalam sa 1st Round; Maghahain ng Formal Inquiry vs Referee
Bigong masungkit ni Carlo Paalam ang gintong medalya matapos yumuko kay Japanese Rui Yamaguchi sa finals ng 20th Asian Games sa Aichi, Japan nitong Oktubre 2, 2026.
Maraming boxing fans ang nagtaka kung bakit hindi agresibo si Paalam sa unang round, dahilan para makalamang agad ang Hapones sa puntos. Ngunit may malinaw na paliwanag dito ang Presidente ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na si Marcus Manalo.
Sa video courtesy ng POC Media, sinabi ni Manalo na bahagi ng game plan ang pagiging maingat ni Paalam sa opening round.
"Para sa mga nanonood, bakit hindi agresibo si Carlo sa 1st round, that's part of strategy. Kasi pag yung Japanese sinugod mo lang ng sinugod, kahit kalabit lang tumama, iiskoran nila yung Japanese. So Carlo really had to be extra careful and you really have to land clear punches," paliwanag ni Manalo.
Ayon kay Manalo, nagawa naman ni Paalam ang game plan sa second round kung saan nakapagpatama ito ng malilinaw na suntok. Kung bibilangin lamang umano ang clear punches landed sa target areas, sa Pilipino ang round na iyon. Ngunit sa score ng mga hurado, talo pa rin tayo ng 3-2 sa second round, habang 4-1 naman sa first round.
Pagdating sa third at final round, sinabi ni Manalo na hindi na masyadong nag-matter ang score dahil ang tanging pag-asa na lamang ng kampo ng Pilipinas ay mabawasan ng puntos ang Hapones dahil sa paulit-ulit na pagkapit.
"Ang pag-asa sana natin nung last round ma-deductionan yung Japanese kasi puro kapit na lang yung ginawa nung last round, ayaw nang makipag-boxing," dagdag ni Manalo.
Binansagan pa ni Manalo na "bad decision" ang naging resulta ng laban. Aniya, hindi niya maintindihan ang naging evaluation ng mga hurado at referee.
Mas tumindi pa ang inis ng ABAP nang mapansin na ang referee na tumayo sa finals ay siya ring referee na humawak sa semifinals bout ni Paalam na umano'y naging bias na rin.
"Andaming referee na pwedeng ma-appoint, yun pa rin ang in-appoint. Kung mapapansin, pinipigilan ng referee yung momentum ni Paalam. Yung Japan yung humahawak, si Carlo pa yung wina-warningan," ani Manalo.
Dahil dito, kinumpirma ni Manalo na maghahain ang ABAP ng pormal na inquiry upang humingi ng paliwanag tungkol sa referee assignment at sa naging judging ng laban.
Sa ngayon, pilak na medalya ang naiuwi ni Carlo Paalam para sa Pilipinas, ngunit para sa ABAP at sa maraming Pilipino, tila ginto ang ipinakitang tapang ng pambansang boksingero.
Ano sa tingin ninyo mga Ka-Boxing, panalo ba talaga si Carlo Paalam? I-comment ang inyong opinyon sa baba.
Source: POC Media video interview with ABAP President Marcus Manalo
Follow Us for more Asian Games 2026 updates
